Pres. Duterte at U.S Pres. Donald Trump, inaasahang magkakaroon ng bilateral meeting sa Nobyembre

by Radyo La Verdad | October 26, 2017 (Thursday) | 1892

Dalawang araw na mamamalagi sa bansa si U.S. President Donald Trump para sa selebrasyon ng 50th Anniversary ng Association of Southeast Asian Nations sa Nov. 12 at ASEAN-US Summit sa Nov. 13. Inaasahan din ang pagpupulong nilang dalawa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ngunit hindi na ito makakadalo sa East Asia Summit o EAS na nakatakdang gawin din sa bansa sa November 14. Sa halip, posibleng si U.S Secretary of State Rex Tillerson ang kumatawan sa kanya sa naturang pulong.

Una nang inanunsyo ng White House na ang pagbisita sa bansa ni Pres. Trump ay bahagi ng kaniyang Asian Tour sa China, Japan, South Korea, Vietnam at sa Estado ng Hawaii.

Samantala, may nakatakdang working visit si Pangulong Duterte sa Japan sa October 29 hanggang 31. Pagkatapos ito na muling manaig sa Japan National Elections si Prime Minister Shinzo Abe.

Makikipagpulong si Pangulong Duterte kay Abe at sa iba pang high-ranking Japanese government officials bilang bahagi ng pagpapaigting ng ugnayan ng dalawang bansa.

Kabilang din sa mga isyung inaasahang matalakay ng dalawa ang hinggil sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon partikular na sa Korean Peninsula, gayundin ang ASEAN chairmanship ng Pilipinas ngayong taon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,