Pres. Duterte, tinuligsa si VP Robredo dahil sa umano’y pagkwestyon sa kaniyang presensya sa kasagsagan ng bagyong Ulysses

by Erika Endraca | November 18, 2020 (Wednesday) | 14298

METRO MANILA – Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo na sinungaling at inakusahan ang bise presidente na nasa likod ng umano’y pagkwestyon kung nasaan siya sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.

“I would like to just give a caution to the vice president. She made a blunder, a big one, and she practically lied making her incapable of truth. Alam mo ‘yung pakana niya na wala ako sa bagyo I was here, dito. I was attending a summit ASEAN Summit ‘yon. So virtual lang palit-palit kami, we were talking sa electronic. Nandito ako noon. Kasagsagan ng bagyo dumaan diyan sa labas nag-uusap kami dito.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinaliwanag din ng pangulo ang schedule ng kaniyang pagta-trabaho. Kasabay nito ang pagtanggi na natutulog siya habang nanalasa si typhoon Ulysses.

“Ngayon, sinabi ko sa tao ‘yan that I’m a night person. My day begins at two, two o’clock hanggang sa gabi na walang limit. In our cabinet meetings ganun.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinagtanggol din ng presidente ang ginawang pagtugon ng pamahalaan kaugnay ng kalamidad. Aniya, naka-preposition na ang mga tauhan ng militar at pulisya at nabilinan na sa dapat nilang gawin ilang araw bago pa manalasa ang bagyo. Tahasan ding sinabi ng Presidente na hindi makikinig ang militar sa bise presidente.

“While you were making calls, nagche-check ka pakunwari… alam mo ‘yung mga military hindi ‘yan maniwala sa iyo because tama sila you are not in the line of authority basta ganun” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, sa mga serye naman ng tweets, sinagot ni Vice President Leni Robredo ang mga banat sa kaniya ng presidente. Aniya, hindi niya tinanong kailanman kung nasaan ang Pangulo.

Sa kasagsagan din aniya ng matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela, ipinararating lang niya sa AFP at PNP ang lahat ng mga humihingi ng tulong sa kaniyang tanggapan para sila’y ma-rescue.

Mahalaga rin aniyang maisapubliko ang mga nakukuha nilang updates sa ground at mabigyan ng katiyakan ang mga apektadong residente na nakarating ang paghingi nila ng tulong sa mga otoridad at ginagawan ng paraan na sila’y masagip.

Sa huli, ipinunto ni VP Robredo na dapat sa panahon ng sakuna, lahat ng tulong ay welcome dahil hindi naman ito contest at dapat magtulong-tulong para sa mga nangangailangang kababayan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: