Pres. Duterte, tinawag na no. 1 enemy of the Philippine state ni CPP founder Joma Sison

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 5051

(File photo from CPP founding chairman Joma Sison’s FB Page)

Number one enemy of the Philippine state, ganito tinawag ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison si Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng naging pahayag ng punong ehekutibo nang bisitahin nito ang mga sundalo sa Jolo, Sulu noong Sabado.

Sa inilabas na pahayag ni Joma Sison sa kanyang website, sinabi nito na nagbabanta ang Pangulo na hindi na tatanggap ng surrenderers mula sa New People’s Army (NPA) at inuudyukan umano nito ang militar na patayin ang mga makikitang NPA suspects at ang iba pang itinuturing na enemies of the State.

Ayon pa sa CPP founder, nagpapatunay ito na hindi nagtagumpay ang mga ginawa nitong localized surrender negotiations at naging dahilan lamang umano upang mas lumawak ang armed conflict sa kanyang sariling rehiyon.

Sinabi rin nito na inilalagay lamang ng Pangulo ang kanyang buhay sa peligro dahil mayroon umanong mga opisyal ng militar na itinuturing si Pangulong Duterte na number one enemy ng bansa dahil sa ilang kadahilanan.

Kabilang na rito ang umano’y paglabag sa bill of rights dahil sa mga pag-aresto na wala umanong judicial warrant.

Ginawa rin umano ng Pangulo na private criminal instruments ang mga pulis at militar sa pag-uudyok sa mga ito na mag-commit ng mass murder at nag-adopt ng mga polisiya na nagpapataw ng mas mabigat na buwis sa publiko dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Samantala, sinagot ng Malakanyang ang isyu kaugnay sa umano’y hindi pagtanggap ng pamahalaan ng mga sumusukong miyembro ng NPA.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, hindi mga NPA rebel ang tinutukoy dito ng Pangulo, kundi mga miyembro ng grupong Abu Sayyaf.

Una na ring sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na tuloy pa rin ang pagtanggap ng pamahalaan sa mga surrenderer.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,