Simpleng seremonya lamang ang idinaos para sa paggunita sa ika-isangdaan at dalawampung taong anibersaryo ng kabayanihan ni Dr. Jose Rizal.
Bago mag-ala-siyete kaninang umaga, dumating sa Rizal Park ang pangulo at kaagad na ininspeksyon ang mga honor guard.
Pinangunahan din niya ang pagtataas ng pambansang watawat at ang wreath-laying ceremony sa bantayog ng pambansang bayani.
Kasama niyang nanguna sa paggunita si dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.
Matapos ito ay hinarap ng pangulo ang mga descendant at kaanak ng bayaning si Rizal.
Sa maikling pag-uusap, muling binigyang-diin ng pangulo ang kanyang kampanya kontra iligal na droga.
Aniya, kung dati ay dayuhang mananakop ang sumisikil sa kalayaan ng mga Pilipino, ngayon ay iligal na droga na ang umaalipin sa mga ito.
Matapos ang seremonya ay hindi pa agad umalis ang pangulo sa Rizal Park at sa halip ay nakipagkamay at nagpakuha pa ng larawan sa iba’t ibang grupo, foreign dignitaries, at sa ilan nating kababayan na nakiisa sa pagdiriwang.
Samantala, inalala rin ng mga taga-Calamba, Laguna ang kabayanihan ni Rizal sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak at pagsasagawa ng 21-gun salute mula sa Philippine AirForce.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: makiisa sa pagkamit ng tunay na pagbabago sa bansa, nanawagan sa publiko na gayahin ang kagitingan ni Dr. Jose Rizal, Pres. Duterte