Nanawagan si Pangulong Rodrigo sa mga mambabatas na tugunan mga probisyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law na hindi naaayon sa konstitusyon, ito ang ipinahayag ng Pangulo kahapon kasabay ng paglagda sa 2018 proposed budget at tax reform bill sa Malakanyang. Ngunit hindi naman tinukoy ng Pangulo kung anong bahagi ng BBL ang hindi kasang-ayon ng konstitusyon.
Ang Bangsamoro Basic Law ang panukalang batas na layong makabuo ng Bangsamoro political entity, ito ang nakikitang solusyon ng Pangulo upang magamot ang mga umano’y historical injustices na naranasan ng mga Moro group.
Ayon sa Pangulo, kailangang matugunan ang isyung ito dahil sa posibilidad na maging opsyon ng mga rebeldeng grupo ang giyera. Kailangan rin aniya na ipagpatuloy ang usapang pangkayapaan sa Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.
Hindi nakapasa sa nakaraang administrasyon ang panukalang BBL dahil sa Mamasapano clash kung saan apat na put apat na miyembro ng PNP Special Action Force ang nasawi sa engkwentro sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at MILF.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: BBL, konstitusyon, Pres. Duterte