Pres. Duterte, mariing pinabulaanan ang ulat na binalak makipagnegosasyon sa Maute terror group

by Radyo La Verdad | July 7, 2017 (Friday) | 2305


Sa exclusive report ng Reuters, isang Muslim leader ang nagsabing isang senior aid ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lumapit sa kaniya upang gamitin ang kaniyang koneksyon at makipag-ugnayan sa mga lider ng Maute terrorist group para sa isang back-channel talks.

Dalawang Marawi sources din umano ayon sa ulat ang nagkumpirma na may mga ginawang hakbang nga ang pangulo upang makausap ang Maute brothers na sina Omar at Abdullah.

Nangyari umano ito ilang araw matapos lusubin ng teroristang grupo ang Marawi City.

Subalit hindi na umano natuloy ang proseso nang sabihin ng pangulo sa kanyang talumpati noong May 31 na hindi ito makikipagnegosasyon sa mga terorista.

Mariin namang pinabulaanan ng pangulo ang naturang ulat at tahasan nitong itinanggi na sinubukan nitong makipagnegosasyon sa mga terorista o kriminal.

Nakikipag-usap lang aniya siya sa mga revolutionary groups tulad ng milf at mnlf na may mga ipinaglalabang prinsipyo.

Subalit ayon sa pangulo, marahil ang MILF at MNLF ang posibleng mayroong inisyatibong makipagnegosasyon sa Maute terrorist group.

Matatandaan ding hindi tinanggap ng pangulo ang alok ng nanay ng Maute brothers na si Farhana Maute na pakikipag-usap sa pamahalaan.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,