Pres. Duterte, mananatiling kalaban ng drug smugglers kahit na matapos ang kanyang termino

by Radyo La Verdad | May 25, 2022 (Wednesday) | 8503

METRO MANILA – Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga drug smuggler na mananatili siyang kaaway ng mga ito kahit na matapos na ang kanyang termino sa June 30.

Ito ay dahil sa sinabi sa kanya ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na hindi bababa sa P295.9-M ang drogang nakumpiska ng mga awtoridad mula May 11-May 22.

Ipinahayag ng Punong Ehekutibo sa Talk to the People ang kaniyang galit sa mga drug lord. Ayon sa kaniya, ang ginagawang ito ng mga drug lord sa ating bayan ay para na ring pagtapos sa buhay ng mga mamamayan.

Binigyang diin ng Paangulo na kaniya pa ring ipagpapatuloy ang laban kontra droga kahit na sibilyan na lamang siya.

Idinismis din ni Pangulong Duterte bilang “posturing” ang pagpuna ng mga grupo ng human rights. Aniya, hanggang doon lang sila at hindi sila makatulong sa ating bayan.

Sinabi rin ng Pangulo na dapat kaya ng mga law enforcement agency na patayin nang walang awa ang mga nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot lalo na kung nalalagay na sa peligro ang kanilang mga buhay.

(Peter John Salvador | La Verdad Correspondent)

Tags: