Pres. Duterte, inaasahang magdedesisyon ngayong araw ukol sa ECQ sa NCR at iba pang lugar

by Erika Endraca | May 11, 2020 (Monday) | 35735

METRO MANILA – Wala pang pinal na desisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) kontra Coronavirus Disease sa kahihinatnan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Ang isyung ito, pag-uusapang mabuti ngayong umaga sa isang special meeting ng IATF upang makapaghain ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong Sabado (MAY 9), ipinahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na inaasahang ngayong araw ng Lunes magbibigay ng desisyon ang Punong Ehekutibo kaugnay nito.

“Sa Lunes po inaasahan natin na magkakaroon po ng approval ang ating presidente kung ano ang mangyayari sa atin ng May 16.” ani Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Dagdag pa ng palace official, ang tiyak pagkatapos ng May 15, hindi buong Metro Manila ay mananatili sa ECQ o mapasasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ).

“Yung matataas na kaso po, di yan magiging GCQ, bagaman wala pang pinal na desisyon, sasabihin ko po na ang desisyon kung ano mananatili sa ECQ will be granular na tinatawag at it will also be surgical. Di po totoo na lahat ng lugar sa Metro Manila ay mag-GCQ na at di naman totoo na buong Metro Manila ay mananatili sa ECQ” ani Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Muli ring iginiit ng palasyo sa publiko na wag maniwala sa mga ulat na hindi mismo galing sa tanggapan ng IATF.
Mananatili ring sensya ang batayan ng pamahalaan sa desisyon nito partikular na ang doubling rate sa kaso ng COVID-19 at ang kapasidas ng critical health care ng isang lungsod.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,