Preliminary investigation sa One Dream investment scam, tinapos na ng DOJ

by Radyo La Verdad | September 7, 2015 (Monday) | 1555

ONE DREAM
Muling nabigo ang may-ari ng One Dream Marketing na si Arnel Gacer at iba pang respondent na humarap sa preliminary investigation ng Department of Justice kaugnay sa mga reklamo laban sa kanya.

Dahil dito, nagpasya ang piskal na tapusin na ang imbestigasyon at resolbahin ang reklamong syndicated estafa base sa ebidensiyang isinumite ng mga complainant.

Nag-ugat ang reklamo sa umano’y pandaraya ng One Dream sa mga investor nito.

Naengganyo ang mga biktima sa pangako ng kumpanya na 300-percent na interes sa ipupuhunan nilang pera.

Ngunit ayon sa labing-walong complainant na pawang taga Lipa City, hindi ito natupad ng kumpanya.

Sa ngayon ay hindi na matukoy ang kinaroroonan ni Gacer at ng sampu pang mga opisyal ng One Dream.

Nais ng mga complainant na mabawi ang 3.3 million pesos na naideposito nila sa kumpanya.

Ito ang unang batch ng mga complainant laban sa One Dream at inaasahang may mga susunod pang reklamo lalo na’t nakapambiktima rin umano ang kumpanya hanggang sa Naga City, sa Camarines Sur. (Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: ,