Magsisimula na sa pagkalap at pagsususi ng mga impormasyon ang International Criminal Court o ICC hinggil sa communication na isinumite ng kampo ni self-confessed hitman Edgar Matobato sa pamamagitan ng abugado nitong si Atty. Jude Sabio.
Partikular na ang crime against humanity dahil sa anti-drug war ng Duterte administration na nagresulta umano sa mataas na bilang ng drug-related killings.
Welcome ito para kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque dahil pagkakataon itong i-clear ni Pangulong Duterte ang kaniyang pangalan laban sa mga alegasyon.
Sakali namang i-require, nakahanda ang mga otoridad sa bansa na isumite sa ICC prosecutor ang kinakailangang impormasyon hinggil sa anti-drug war.
Naniniwala naman si Roque na ang mga oposisyon ang nasa likod nito upang ipahiya ang punong ehekutibo.
Bagaman tiwala ang Malacañang na hindi uusad sa pagsasagawa ng preliminary investigation ang ICC, ayon kay Roque, handang ipagtanggol ni Pangulong Duterte ang kaniyang sarili.
Samantala, kapwa naman ikinatuwa nina Atty. Sabio at Senador Antonio Trillanes ang ulat na ito at umaasang maiimbestigahan ang war on drugs, makakamit ang hustisya at kinalaunan ay maipapa-aresto si Pangulong Duterte.
Subalit giit ng Malacañang, walang kapasidad ang ICC na magpaaresto ng isang punong ehekutibo, tulad ng nangyari sa kaso ni Sudan Imar Hassan Ahmad Al Bashir dahil nakasalalay sa State Cooperation ang ikauusad ng isang kaso sa ICC.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )