Mahigpit na binabantayan ng Land Transportation Office ang mga public utility vehicles na nasa venue ng mga isinasagawang kilos-protesta.
Paliwanag ni LTFRB Board Member at Spokesperson na si Atty. Aileen Lizada, iligal na maituturing ang paggamit ng mga pampasaherong sasakyan sa kahit anong uri ng mga kilos-protesta.
Ayon sa LTFRB, posibleng tanggalan ng certificate of public convenience o prangkisa ang lahat ng mga jeep na mahuhuling nasa rally.
Ipatatawag ng ahensya ang operator ng mga ito, upang pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat na bawiin ang kanilang mga prangkisa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang LTFRB sa Land Transportation Office o LTO kaugnay naman sa posibleng suspensyon ng lisensya ng mga mahuhuling tsuper. Sa oras na matanggalan ng prangkisa, hindi na muling papayagan ng ahensya na makabiyahe pa ang mga ito.
Ayon naman sa ilang jeepney driver, nirentahan lamang umano sila bilang service ng mga ito at itinangging kaisa sila sa rally.
Giit ng LTFRB, responsibilidad ng mga driver at operator na sumunod sa mga regulasyon at batas na ipinatutupad ng pamahalaan sa lahat ng mga pampublikong sasakyan upang maisaalang-alang ang kapakanan at kaligtasan ng mga pasahero.
( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )
Tags: ASEAN Summit, kilos-protesta, LTFRB