Apat na miyembro ng Philippine Public Safety College ang bubuo sa fact-finding committee na mag-iimbestiga sa nangyaring sexual harrassment sa dalawang plebo ng Philippine National Police Academy noong ika-6 ng Oktubre. Pamumunuan ito ni National Police Training Institute Director PCSupt. Ramon Rafael.
Bahagi ng mandato ng grupo ang magrekomenda ng mga polisiya kung paano maiiwasang maulit ang insidente. Inaasahan na maisusumite ng fact-finding committee ng inisyal na resulta ng imbestigasyon bago matapos ang buwang kasalukuyang.
Ayon kay PPSC President Ricardo De Leon, hindi sila nagkulang sa mga ipinatutupad na disiplina sa akademya subalit may ilan na hindi sumusunod dito. Tiniyak din nito na magiging patas ang imbestigasyon kahit na heneral ng PNP ang tatay ng suspek.
Nilinaw ng pinuno ng PPSC na mayroong pinirmahang covenant ang lahat ng kadete noon pang Hulyo kung saan nagbabawal sa hazing at katulad na mga parusa kayat tiyak aniyang mananagot ang mga lumabag dito.
Samantala, pabor naman si De Leon na si PCSupt. Chiquito Malayo ang maging bagong director ng PNPA dahil sa pagiging istrikto nito.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: fact-finding committee, PNPA, PPSC