Pormal nang inendorso ng partido ni Pang. Duterte na PDP-Laban ang kandidatura ni BBM

by Radyo La Verdad | March 24, 2022 (Thursday) | 47805

Pormal nang inendorso ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban ang kandidatura ni Ferdinand Bongbong Marcos, Jr.

Ayon kay PDP-Laban President at Energy Secretary Alfonso Cusi, ito ang naging desisyon ng National Executive Committee ng partido at dumaan ito sa mga konsultasyon.

“’Yun po nagsama sama kami to make formal announcement today that we endorsing the candidacy of Bongbong Marcos for President. At ito po ay hindi desisyon ng partido where we went to the process based on our constitution and bylaws,” ani Sec. Alfonso Cusi, President, PDP-Laban Cusi Wing.

Ayon sa party officials, sa lahat ng presidential candidates, si Marcos Junior ang nakita nila na maaaring makapagtuloy ng mga programa at repormang nasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang ibig sabihin lang po nito sa mga pinagpilian po, ang pinakamalapit po na magtutuloy at magtutulak ng proyekto ni Pangulong Duterte ay si dating Senador Bongbong Marcos,” ayon kay Sec. Melvin Matibag, Acting Cabinet Secretary / Secretary General, PDP-Laban party (Cusi Wing).

Sa tanong naman kung ang endorso na ito ng partido ay endorso na rin ni Pangulong Duterte kay Marcos Jr., sagot ni Cusi,

“The President is now focus in addressing on the concern of the country, sabi niya trabaho siya on the last day of his office, pinababayaan na natin siya nakatutok siya sa trabaho, in due time he will speak as Mayor Duterte.”

Ayon kay Acting Presidential Spokesman Martin Andanar, mas mabuting hintayin ang magiging posisyon ni Pangulong Duterte sa naging desisyon ng kaniyang mga kapartido.

“Hintayin na lang po natin si Pangulong Duterte kung ano ang kaniyang personal na desisyon at again yung desisyon na yun ng PDP-Laban ay base sa kanilang napagusapan sa partido,” pahayag ni Acting Presidential Spokesman Martin Andanar.

Nagpasalamat naman ang kampo ni Marcos Jr. sa endorso na ito ng ruling party.

Ayon kay Attorney Vic Rodriguez, ang tiwalang ibinigay kay BBM ay nakapagbibigay sa kanila ng inspirasyon, at indikasyon aniya na nagkakaroon ng epekto ang kanilang panawagan na pagkakaisa.

Binatikos naman ni Senator Koko Pimentel, chairman ng PDP-Laban Pacquiao group ang aksyon na ito ng grupo nila Secretary Cusi.

Ayon sa Senador, manipestasyon ito na total strangers ang grupo ni Cusi sa PDP-Laban. Hindi aniya nila kinikilala na ang partido ay itinatag para labanan ang Marcos dictatorship.

Hindi na pinatulan pa ni Cusi ang naging pahayag na ito ni Senator Pimentel.

Nel Maribojoc | UNTV News

Tags: , ,