METRO MANILA, Philippines – Nanawagan ang Food and Drug Administration o FDA sa mga importer at tindahan na may hawak pang mga produktong may sangkap ng karne ng baboy na mula sa mga bansang apektado ng African Swine Fever na huwag nang ibenta ang kanilang mga produkto.
Kabilang na dito ang mga de lata gaya ng Luncheon Meat at mga hindi pa lutong karne ng baboy.
Ayon kay Department of Health Undersecretary at FDA Officer in charge Eric Domingo, lubhang mapanganib kung kontaminado ng African Swine Fever o ASF ang mga produkto at maihawa nito ang mga alagang baboy sa bansa.
Base aniya sa huling pag-aaral, kahit dumaan na sa proseso at init ang karne ay maaaring may makalusot paring virus.
Wala pa namang naitalang tao na nahawa sa sakit subalit maaaring mahawaan ng virus ang mga baboy.
“But in this case we are banning this product primarily because of food security. Mabilis kasing mag spread itong African Swine Flu (fever) and it affects live stocks.” Ani ni DOH / FDA OIC Usec. Eric Domingo
Ayon sa FDA, kasama sa recall ang mga produktong may manufacturing date na lampas ng August 2018 kung kailan ipinagbawal ng DA ang pagaangkat ng mga ito.
Iniimbestigahan pa ng FDA kung bakit nakapasok ang mga produkto sa bansa gayung wala naman sila umanong binibigyan ng import permit.
“ Wala naman kasi na ibinibigay na Certificate of Product Registration ang DA since late last year so, hindi na dapat yan naipapasok sa Pilipinas.” Dagdag ni DOH / FDA OIC Usec. Eric Domingo.
Unang naitala ang ASF sa Africa at European countries.
Noong nakaraang taon ay nagkaroon narin ng outbreak sa China habang ngayong taon lamang ay naapektuhan narin ang Mongolia, Vietnam at Cambodia.
Base sa tala ng Food and Agriculture Organization, mahigit sa 2.6 million na baboy na ang namatay at kinatay sa 4 na nabanggit na bansa pa lamang.
Ayon kay Usec. Eric Domingo ,”Ipinakikiusap namin sa mga nagtitinda na mismo kung meron silang mga produkto na mga meat products na de lata na nanggaling doon sa mga bansa na binanggit natin sana i-recall na nila sila mismo itago na nila huwag na nila ibenta at ireport nila sa amin para matrace natin kung saan nanggaling at make sure lang na hindi napo ito kumalat.”
Naglagay na ng foot bath ang Bureau of Quarantine sa mga international airport sa bansa para sa mga pasaherong galing sa mga bansang apektado ng ASF.
“Posibleng hindi nakarating sa kanila, posibleng hindi nila nabasa. But upon ariving at the airport of entry sinabihan ka ng Quarantine na hindi pwde magpupumilit ka ba? At ang gagamitin mong dahilan ay hindi mo alam? Hindi pwdeng ganun.” Ani ni Department of Agriculture Sec. Manny Piñol
Hihilingin din ng kagawaran ang karagdagang k9 units at pinagaaralan din ang paglalagay ng mga x-ray machines para sa mga bagahe.
Ang mga nakukumpiskang produkto ay sinusunog ng mga otoridad.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: African Swine Fever, FDA, Pork, Pork products