Upang mapabilis ang isasagawang konstruksyon ng mga kalsada sa Boracay Island, ngayong linggo ipagkakaloob na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondong nagkakahalaga ng 490 milyong piso sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang halagang ito ay karagdagan sa 50 milyong pisong nakatalaga na sa 2018 national budget para sa improvement ng Boracay circumferential road.
Nakapaloob sa naturang proyekto ang improvement ng drainage at sewerage system sa main road ng isla na inaasahang magdagdag ng kapasidad laban sa tubig-baha.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, kinuha ang pondong ito sa contingency fund ng national government.
Nauna nang ibinigay ang pondong nagkakahalaga ng 448 milyong piso sa Labor Department bilang financial assistance ng pamahalaan sa mahigit 17,700 na mga residente at manggagawang apektado ng Boracay rehabilitation.
Pagtitiyak naman ng Budget Department, may sapat na pondo ang pamahalaan sakaling humingi pa ng karagdang budget ang mga ahensyang kabilang sa Interagency Task Force na nangangasiwa sa Boracay Island rehabilitation.
Kahapon sa Cebu City, muling ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara nito sa Boracay Island upang matiyak na hindi tuluyang masisira ang isla.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Boracay Island, DBM, Rehabilitasyon