Pondo ng Philhealth, naapektuhan ng krisis sa COVID-19 ; ahensya, maaaring maharap sa fund deficit

by Erika Endraca | June 17, 2020 (Wednesday) | 5370

METRO MANILA – Inaasahan na ng Philhealth na hindi magiging madali ang kanilang katayuang pinansyal sa mga susunod na taon dahil sa epekto ng COVID-19.

Sa joint congressional oversight committee hearing sa Universal Healthcare Act Kahapon (June 16), sinabi ni Philhealth President at CEO Ricardo Morales na maaaring maharap ang ahensya sa fund deficit hanggang taong 2024.

Nasa P52.5-B umano ang benefit expense ng Philhealth ngunit dahil bumaba ang contribution collection dahil sa COVID-19, nasa P46.5-B lamang aniya ang total premium income na nakuha ng ahensya hanggang Abril.

Bumagsak din ang koleksyon ng sin tax kung saan kinukuha ang malaking bahagi ng pondo ng Philhealth dahil sa COVID-19 pandemic.

“The collection from the direct contributors has dropped significantly kasi walang negosyo. Wala pong nagbabayad ng pemium sa mga direct contributors and ‘yung indirect din who also depend on business activity has also suffered a downturn. So we are falling back on our reserve which we anticipate is going to take a hit.”ani Philhealth President and CEO, Ricardo Morales.

Nasa P153-B ang kanilang proposed budget para sa taong 2020 pero P71.3-B  lamang umano ang natanggap ng Philhealth.

Ayon kay Morales, apektado umano nito ang kapasidad ng Philhealth upang pondohan ang premium ng mga indirect contributors at pag-cover sa lahat ng mga benepisyo.

Nasa P138-B naman proposed subsidy ng Philhealth para sa taong 2021.

Ayon naman sa Department of Budget and Management, dedepende pa rin ito sa magiging deliberasyon para sa 2021 budget.

“We cannot say for sure if this will be increased because it’s still undergoing deliberation by the economic managers. Probably when we submit for discussion during the executive review board, this situation by Philhealth will be taken duly into consideration” ani DBM Division Chief, Johnry Castillo.

Panawagan ng Philhealth, ipagpaliban muna ang implementasyon ng Universal Health Care at primary care benefit extension habang patuloy aniya ang pagconserve ng ahenya sa kanilang resources sa gitna ng pandemya.

Pero ayon sa ilang mambabatas, mas kailangan ito ngayon ng mga Pilipino sa pagharap sa COVID-19 crisis.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,