Inilabas na kanina ng Philippine National Police Crime Laboratory ang resulta ng initial drug test na isinagawa kay Supt. Lito Cabamongan kagabi.
Sa isang mensahe, sinabi ni Crime Lab Director PCSupt. Aurelio Trampe na nag-positibo sa iligal na droga si Cabamongan matapos isailalim sa ilang pagsusuri.
Si Cabamongan ay naaresto kahapon, kasama ang limang iba pa, matapos maaktuhan nagpa-pot session sa isang bahay sa Everlasting Homes sa Las Pinas, City.
Subalit paglilinaw ni PCSupt. Trampe, isasalang pa sa confirmatory test ang pulis bilang bahagi ng proseso.
Malalaman ang resulta sa susunod na linggo.
Kung muli itong magpopositibo ay masasampahan ito ng administrative case na grave misconduct na tiyak na ikatatanggal nito sa serbisyo.
Plano rin nilang isalang sa neuro psychiatric test si Cabamongan dahil sa umano’y pagsasayaw nito nang nakahubad sa harap ng maraming tao;
At panghihingi ng libreng tiket sa mga sinehan para lang mag-yoga sa loob batay sa reklamong isinampa nitong lamang Marso.
Sinabi rin ng PNP Crime Lab na pang-196 na si Cabamongan sa mga pulis na nag-positibo sa random drug test sa methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu.
(Lea Ylagan)
Tags: PNP Crime Lab, Police Colonel, pot session