PNP, tuloy ang pagsasagawa ng checkpoint sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ

by Erika Endraca | August 19, 2020 (Wednesday) | 2189

METRO MANILA – Asahan pa rin ang random o mobile checkpoint sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) gaya ng Metro Manila.

Ayon kay JTF CV Shield Commander PLtGen. Guillermo Eleazar, ang mobile checkpoint ay pangungunahan ng pnp highway patrol group habang ang mga territorial unit naman ang magpapatupad ng random checkpoint.

Tuloy din ang pagbabantay sa mga quarantine controlled points sa mga border ng mga probinsya at rehiyon.

“Kahit naman tayo ay nasa GCQ o MGCQ, hindi pa rin allowed ang pag-cross ng border unless merong travel authority at ‘yung travel authority naman ay binibigay lang yun kung emergency ‘yung travel o locally stranded individual itong magko-cross ng border so basically andon pa rin sila para i-check yun” ani JTF CV Shield Commander, PLtGen Guillermo Eleazar.

Maghihigpit ang pnp sa pagbabantay sa mga magbubukas na establisyimento upang masigurong sumusunod ang mga ito sa minimum health protocols.

“Magdadagdag naman tayo o pwedeng lumipat yung ating ibang personnel doon sa mga lugar kung saan ang mga establisyimento na dadagsain ng ating mga kababayan para masiguro natin na they will observe itong distancing at pagsusuot ng facemask” ani
JTF CV Shield Commander, PLtGen Guillermo Eleazar.

Iinspeksyunin din aniya ang mga pampublikong sasakyan at mga lugar ng trabaho kung sumusunod sa pagsusuot ng faceshield.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,