PNP, pinuri ng Pangulo sa maayos na pagmamando ng traffic sa Edsa

by Radyo La Verdad | September 8, 2015 (Tuesday) | 1783

PNP CHIEF
Bagamat matindi pa rin ang traffic kahapon sa ilang bahagi ng Edsa, tila nasiyahan naman si Pang. Benigno Aquino III sa naging performance ng mga tauhan ng PNP-HPG.

Ayon kay Philippine National Police Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez, pinadalhan siya ng mensahe ng Pangulo

Nakatanggap naman ng papuri ang PNP mula kay Pang. Benigno Aquino III na binasa pa ni PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez sa harap ng media.

Gayunman sinabi ng Heneral na hindi sila dapat maging kampante dahil hindi pa nila lubusang naisasaayos ang traffic lalo na sa ilang lugar tulad ng Kamuning hanggang Santolan Flyover.

Sa katunayan, personal na naranasan ni Gen. Marquez ang tindi ng traffic nang abutin sya ng 45 minutes sa biyahe mula Balintawak hanggang Cubao kaninang umaga.

Kaugnay nito natukoy na rin nila ang ilang problema sa dalawang araw na pagmamando ng traffic sa Edsa na dapat na bigyang pansin tulad na lamang ng:

1. Pagsasara ng ilang U-turn slot kabilang ang nasa tapat ng Trinoma mula West Avenue na nakakabara sa mga sasakyan sa Edsa.

2. Paglilipat ng mga bus stop na nasa bahagi ng Balintawak at pagbaba ng Kamuning Flyover.

3. Paglalagay ng barrier para sa mga kakanan ng Edsa mula sa shortcut sa may bahagi ng Balintawak.

4. Paggamit ng one lane lamang ng mga private vehicle sa ilang bahagi ng Edsa.

Dagdag pa ni Chief PNP hindi isang magic ang pagpapaluwag ng Edsa dahil parehong volume pa rin ng mga sasakyan ang dumadaan dito araw araw kayat malaking papel pa rin ang disiplina ng mga motorista. (Lea Ylagan / UNTV News)

Tags: