PNP pinag-iingat ang publiko sa “Ikaw ba ang nasa video?” scam sa Tiktok

by Radyo La Verdad | November 9, 2022 (Wednesday) | 4577

METRO MANILA – Mula sa text messages na naglalaman ng napanalunan sa isang raffle hanggang sa  pag-aalok ng trabaho na may malaking sweldo, nag level up  na ang mga scammer upang makapangloko.

Ngayon naman, link ng Tiktok video na may caption na, “Kung ikaw ba ang nasa video”?

Ayon kay PNP Spokesperson  PCol. Jean Fajardo, huwag magtatangkang i- click ang  mga nasabing link mula sa mga hindi naman kakilalang sender dahil isa itong scam .

Maha-hack aniya ang inyong social media account hanggang sa magamit ito sa panghihingi ng pera sa inyong mga kakilala.

Malaki rin ang panganib na mabuksan nito maging ang inyong mga Gcash account.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng PNP-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang naturang Tiktok link.

Bunsod ng patuloy na pamamayagpag ng mga scammer sa social media, pinalawak na din ng PNP ang kanilang cyber patrolling.

Base sa tala ng PNP-ACG nakapagtala na  sila ng 118 reklamo ng scam sa social media sa loob  lamang ng 3 buwan.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,