PNP Northern Luzon, naka-full alert na simula bukas ng umaga dahil sa Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 12, 2018 (Wednesday) | 2101

Ipinag-utos na ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde na ilagay sa full alert status ang pwersa ng PNP sa Northern Luzon simula bukas ng ala-sais ng umaga dahil sa Bagyong Ompong.

Kasama din sa mga inilagay sa full alert status ang Special Action Force, Maritime Group, Highway Patrol Group, Police Community Relations Group, health service, regional at provincial mobile forces para sa mas mabilis na deployment sa humanitarian at disaster response operations.

Ayon kay Gen. Albayalde, ipinapu-pwesto na rin niya ang mga rescue team ng PNP malapit sa mga maaapektuhang lugar upang agad na makaresponde kung kinakailangan. Nakahanda na rin ang mga rescue equipment ng PNP.

Bukod sa pagtulong sa mga lokal na pamahalaan kung kailangan ng magpatupad ng force evacuation, pinaghahanda rin ng heneral ang mga pulis na tumulong sa pagsasagawa ng road clearing operations.

Pinaalalahanan din ng pamunuan ng PNP ang mga pulis sa mga maapektuhang lugar na tiyaking nasa ligtas na kalagayan ang kanilang mga pamilya upang wala silang magiging alalahanin sa pagtulong sa mga maaapektuhang residente.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,