PNP naglabas ng listahan ng mga ipinagbabawal na paputok

by Erika Endraca | November 14, 2019 (Thursday) | 10188

METRO MANILA – Inilabas na ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) ang listahan ng mga ipinagbabawal na paputok. Ayon kay FEO Acting Director Rommil Mitra, inagahan nila ang paglalabas upang malaman ng publiko ang mga hindi dapat bilhing paputok na nakalulusot sa merkado.

Kabilang dito ang mga overweight na may mahigit sa 1/3 teaspoon o lagpas 0.2 grams na explosives.Sobrang laki o oversized na mga paputok, may fuse o mitsa na sobrang liit na nauubos sa kulang 3 segundo o sobrang haba naman na mahigit sa 6 na segundo bago maubos.

Mga imported at walang label na paputok at mga paputok na may sulphur o phosphorous na inihalo sa chlorates. Halimbawa ng mga paputok na ito ay ang: Piccolo, Super Lolo, Atomic Triangle, Large Judas Belt, Large Bawang, Pillbox, Bosa, Goodbye Philippines, Bin Laden, Mother Rocket, Lolo Thunder, Five Star, Pla-Pla, at Giant Whistle Bomb. Bawal din ang watusi kahit na maliit lamang ito.

Ayon kay FEO Acting Director PCOL. Rommil MITRa, magsasagawa sila ng inspection. Kabilang naman sa mga paputok na maaaring gamitin sa itinalagang firecrackers zone sa barangay ay ang: Baby Rocket, Bawang, Judas Belt, Sky Rocket o Kwitis at small Trianggulo.

Habang ang mga pyrotechnics o pailaw na maaari lamang gamitin sa labas ng mga itinalagang firecracker zone ay ang:Butterfly, Fountain, Jumbo Regular at Special, Luces, Mabuhay, Roman Candle, Sparklers, Trompillo, Whistle Devices at iba pang kalse ng pailaw.

Paalala ng PNP FEO sa publiko, huwag bumili ng mga ipinagbabawal na paputok para iwas aksidente.
Babala ng opisyal, ang mga mahuhuling nagtitinda ng mga ipinagbabawal na paputok ay tatanggalan ng lisensya at kukumpiskahin ang paninda.

Nagpaalala din ito sa mga trigger happy na magpapaputok ng baril. Nilinaw ni Mitra na ongoing na ang issuance ng permit para sa mga dealer habang sa Dec.15 ang mga retailer. Maaari lamang silang magbenta ng paputok hanggang Dec.31.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,