Sen. Gatchalian, muling ipinanawagan ang firecracker ban sa bansa

by Radyo La Verdad | December 27, 2023 (Wednesday) | 12810

METRO MANILA – Napapanahon na para sa isang mambabatas ang firecracker ban sa Pilipinas.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian sa kabila ng mga direktiba kontra paputok, taon-taon na lamang ay mayroon pa ring nabibiktima nito.

Dapat din aniyang isaalang-alang ang idinudulot nitong psychological trauma at anxiety disorders pati na ang epekto sa mga alagang hayop.

Sa kanyang inihaing panukalang batas noong nakaraang taon, kailangang kumuha ng special permit mula sa PNP-Fireworks and Explosives Office para sa paggamit ng fireworks at iba pang pyrotechnic devices.

Tanging mga propesyunal lamang din aniya sa paggamit ng paputok ang maaaring magsagawa nito.

Naunang nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na magpasa ng ordinansa ang mga Local Government Unit (LGU) na magbabawal sa paggamit ng paputok at sari-sariling fireworks display.

Naniniwala ang kalihim na kaya namang ipagdiwang ang selebrasyon kahit walang paputok at ligtas para sa lahat.

Isinusulong ng DILG ang supervised fireworks display sa common spaces sa mga komunidad gaya sa munisipyo at iba pang itinalagang lugar.

Tags: , ,