PNP-IAS, nagsasagawa na ng fact-finding investigation sa mga aktibong pulis na idinawit ni Ret. SPO3 Lascañas sa Davao killings

by Radyo La Verdad | March 7, 2017 (Tuesday) | 4821


Sinimulan na ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang kanilang fact finding investigation laban sa mga aktibong pulis na pinangalanan ni retired SPO3 Arturo Lascañas sa isinagawang pagdinig kahapon sa Senado kaugnay ng umano’y operasyon ng Davao Death Squad.

Ayon kay PNP-IAS Deputy Inspector General PDir. Leo Angelo Leuterio, kailangan nilang i-validate ang mga isiniwalat ni Lascañas dahil hindi pa naman ito maituturing na intelligence information.

Sa ngayon ay may hawak na silang mga kopya ng dokumento maliban sa sinumpaang salaysay ni Lascañas.

Ilan sa mga aktibong pulis na pinangalanan ni Lascañas ay sina PSSupt. Rommel Mitra- chief ng directoral staff ng PRO-3, Supt. Rivera ang Deputy City Director ng Davao City Police Office at SPO1 Jim Tan.

Binanggit rin niya sa senado kahapon sina PSSupt. Vicente Danao – Chief Directorial Staff ng CIDG at mismong si PNP Chief PDG Ronald Dela Rosa na isa rin sa umano’y mga nakasama sa killing operation.

Tumanggi namang magbigay ng kumentaryo si PNP Chief Dela Rosa nang tanungin sya ng media hinggil sa isyu.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,