PNP Chief Ronald Dela Rosa, muling tiniyak ang kaligtasan ni Sen. Leila de Lima kasunod ng mga naglabasang fake news sa social media

by Radyo La Verdad | March 6, 2017 (Monday) | 3332


Lalong nangamba si Sen. Leila de Lima sa kanyang kaligtasan sa loob ng Philippine National Police Custodial Center.

Ito ay matapos umanong maglabasan ang mga fake news sa social media na siya daw ay nagtanggkang magpakamatay sa loob ng detention cell.

Sa statement ng senadora, sinabi nitong pinalalabas umanong nawawala na siya sa sariling katinuan.

Tila mina-mind set na umano ang publiko upang walang masisisi oras na may mangyaring masama sa kanya habang nakakulong.

Nilinaw rin ng senador na nasa tamang pag-iisip pa siya at walang anumang sakit kaya wala aniyang dahilan upang sya ay mamatay sa sakit o magpakamatay dahil sa lungkot.

Sa kabila ng mga naglalabasang isyu, tiniyak parin ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang kaligtasan ng senadora habang nasa poder nila.

Si de Lima ay siyam na araw nang nakadetain sa PNP Custodial Center kung saan 24 oras na nakabantay ang mga pulis sa paligid nito.

Nitong weekend dumalaw sina dating Education Sec. Armin Luistro, dating DSWD Sec.Dinky Soliman at dating Presidential Management Staff Head Julia Abad.

Hindi naman pinapayagang makapasok sa loob ng kanyang kulungan ang sinomang hindi nakatala sa listahang bigay ng abogado ni de Lima.

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,