PNP Chief Dela Rosa, itinanggi na si Sec. Bong Go ang kumausap sa kaniya para mareinstate si Marcos

by Radyo La Verdad | December 2, 2016 (Friday) | 1437

sherwin_dela-rosa
Tahasang pinabulaanan ni Police Director General ‘Bato’ Dela Rosa na si Secretary Bong Go ang tinutukoy niyang tumawag sa kaniya kamakailan upang mareinstate si PSupt.Marvin Marcos na hepe ng CIDG sa Region 8.

Bagaman hindi naman ikinakaila ni PNP Chief Dela Rosa na mayroon ngang kumausap sa kaniya para maibalik sa pwesto si Marcos at ang kaniyang mga tauhan sa CIDG, hindi umano ito si Bong Go.

Hinamon ng hepe ng pambansang pulisya si de Lima na pangalanan nito ang kaniyang sinasabing mapagkakatiwalaang source bago nito pangalanan ang tumawag umano sa kaniya para kay Marcos.

Hinamon din ni Dela Rosa si de Lima na sampahan na lamang siya nito ng kaso tungkol sa pagreinstate niya kay Marcos.

Si Marcos at ang grupo nito sa CIDG ang nakapatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Samantala, nanindigan naman si Sen. Leila de Lima na hindi niya ibubunyag ang kanyang source na nagsabing si Bong Go ang nagutos kay PNP Chief Ronald Dela Rosa na ibalik bilang CIDG-Region 8 si PSupt. Marvin Marcos.

Sa halip ibinalik ni de Lima si General Dela Rosa na isiwalat kung sino ang nakataas sa kanyang opisyal na nag-utos sa kanya para ibalik si Marcos.

Katungkulan aniya ni General Dela Rosa na sabihin sa publiko ito gayong siya naman aniya ang nagsabing inutusan siya para gawin ito.

(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)

Tags: ,