Planong pagtatatag ng revolutionary gov’t, pinabulaanan ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | November 22, 2017 (Wednesday) | 4692

Dumalaw si Pangulong Rodrigo Duterte sa 26 na mga sugatang sundalo sa Philippine Army General Hospital kahapon.

Kinilala nito ang kagitingan ng mga wounded in action sa pamamagitan ng order of Lapu-Lapu at namigay ng tulong pinansyal at side arms.

Bukod dito, pinangunahan niya rin ang pagbubukas ng isang art exhibit sa Bonifacio Global City bilang pagpupugay sa mga bayani ng Marawi.

Sa kaniyang talumpati, pinabulaanan ng Pangulo ang mga naunang ulat kaugnay sa plano umano niyang pagtatatag ng revolutionary government lalo na kung magpapatuloy sa panggugulo ang kaniyang mga kalaban sa pulitika at magtutungo sa mga lansangan.

Ayon sa Pangulo, aarestuhin na lamang niya ang mga ito. Sinabihan din niya ang mga tauhan ng militar na huwag maniwala sa mga usap-usapan ng coup d’état at revolutionary government. Bagkus, hinikayat niya ang mga itong patuloy na paglingkuran ang bansa.

Samantala, muling sinabi ng Pangulo na ayaw na niyang makipag-usap sa mga rebeldeng komunista. Kaya kinakailangan niya na rin aniyang patatagin pa ang pwersa ng militar at pulisya dahil sa napipintong pagpapatuloy ng giyera, kabilang na ang procurement ng dagdag na military equipment tulad ng attack helicopters.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,