Planong pagtanggal ng scholarship sa mga sumasali sa kilos-protesta, hindi suportado ng Malacañang

by Radyo La Verdad | February 20, 2019 (Wednesday) | 2602

MANILA, Philippines – Hindi suportado ng pamahalaan ang mungkahi ni National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema kay Pangulong Rodrigo Duterte, na maglabas ng kautusan upang alisan ng government scholarships ang mga estudyanteng kumakalaban sa pamahalaan.

Ayon sa Malacañang, hindi sapat na dahilan ang pagiging miyembro ng isang Leftist group o pagsali sa mga anti-government protest upang tanggalan ng scholarship ang isang iskolar ng bayan.

“Kung sinususpetsahan lang natin, ‘di naman pwede ‘yun. Kailangang mayroon tayong ebidensya na mga parte nga sila ng mga grupong laban sa gobyerno. Kung sila’y sumasama lang sa mga rally, that’s their right. Freedom of expression and freedom of assembly,” ani Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Dagdag pa ng Palasyo, ayon sa isinasaad sa batas, kinakailangang may matibay na ebidensya laban sa isang indibidwal kung sangkot ito sa pagpaplanong pabagsakin ang gobyerno o bahagi ng armadong pakikibaka at rebelyon.

Ibang usapin na rin daw kung sila’y kasabwat sa paghahasik ng kaguluhan o karahasan.

“But if you use rallies to commit violence, to incite sedition, that’s a different story,” paglilinaw ni Sec. Panelo.

Una nang binatikos ng mga makakaliwang grupo ng kabataan ang mungkahi ng NYC Chair, dahil kontra anila ito sa karapatan sa kalayaan ng pagsasalita.

Hindi rin anila galing kay Pangulong Duterte ang salaping ginugugol para sa mga iskolar ng bayan, kundi sa buwis ng taumbayan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,