Planong destabilisasyon, nagmula sa hacked email account ng Liberal Party senators’ staff – Sen. Aquino

by Radyo La Verdad | October 13, 2017 (Friday) | 3422

May mga grupo umano na gustong idiin ang Oposisyon bloc kaugnay ng alegasyon na destabilisation plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, ito ang inihayag ni Senator Bam Aquino matapos na mabiktima umano ng hacking ang Liberal Party senators.

Kabilang umano sa na hack  ang tanggapan nina LP President Senator Kiko Pangilinan at Senator Aquino.

Apat na insidente ng hacking ang nangyari kung saan ginagamit umano ang mga hacked email account ng mga staff upang magpadala ng mga impormasyon tungkol sa  umano’y planong destabilisasyon.

Laman umano ng ilang naipadalang email ang tungkol sa imbestigasyon sa DDS at LP media plan upang sirain si Pangulong Duterte na iniuugnay pa sina Vice President Leni Robredo at dating Pangulong Benigno Aquino III.

Naniniwala ang mga LP senator na posibleng ito ang pinagmumulan ng mga umuugong na balita tungkol sa destablisasyon na isinasangkot ang kanilang partido.

Humingi na ng tulong ang LP senators sa National Bureau of Investigation at Department of Information and Communications upang matukoy ang may kagagawan ng hacking incidents.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,