Piston Nat’l Pres. George San Mateo, pinalaya na matapos makapagpiyansa

by Radyo La Verdad | December 6, 2017 (Wednesday) | 2376

Pwersahang inaresto kahapon ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang pinuno ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide o PISTON na si George San Mateo kaugnay sa kasong isinampa laban sa kaniya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Kaugnay ito ng pangunguna niya sa pagdaraos ng tigil-pasada noong Pebrero.

Ayon sa abugado ni San Mateo na si Atty. VJ Topacio, ikinagulat nila ang biglaang pag-aresto sa kaniyang kliyente.

Paliwanag niya nakapagbayad na ng 4 na libong pisong piyansa si San Mateo sa cashier ng Quezon City Hall of Justice, at kinakailangan na lamang ng personal apperance nito sa korte upang makumpleto ang proseso ng pagpipiyansa.

Matapos na makumpleto ang mga dokumento, agad ring nag-isyu ng release order ang korte kanina para sa pansamantalang paglaya ni San Mateo. Tinawag ni San Mateo na isang harrassment ang aniya’y pwersahang pag-aresto sa kaniya ng mga pulis.

Ayon naman sa Malacañang, sadyang nakitaan ng paglabag sa Public Service Act  si San Mateo dahil sa panghihikayat niyang magsagawa ng mga tigil-pasada na labis na nakaperwisyo sa mga mananakay. Bunsod nito ay muling nagbabala ang palasyo sa mga nagpaplano pang ulitin ang naturang hakbang.

Pinayuhan din nito ang mga operator at tsuper ng jeep na idaan sa legal na proseso ang pagpaparating ng kanilang hinaing at kahilingan sa pamahalaan at hindi sa pamamagitan ng transport strike.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,