METRO MANILA – Umabot na sa P1.8-B ang kabuoang halaga ng pinsala sa imprastraktura ng magnitude 7 na lindol na yumanig sa Abra at sa ilan pang probinsya sa Luzon nitong July 27.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules (Aug. 10), naitala ang danyos ng pinsala sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera, maging sa NCR.
Tinatayang nasa P33.7-M ang naging pinsala sa mga pasilidad, makinarya, at kagamitan sa agrikultura sa Cordillera Region
Habang aabot naman sa P22.7-M ang naging pinsala sa pasilidad ng irigasyon sa kaparehong rehiyon at sa Ilocos.
Ayon sa NDRRMC nasa 140,617 mga pamilya na katumbas ng 513,330 indibiduwal na nakatira sa 1,339 barangay na ang naapektuhan ng lindol.
Ang bilang ng nasawi ay umakyat na sa 11 habang 615 naman ang bilang ng mga nasaktan. Sa ngayon nasa 1,034 indibiduwal at 334 pamilya ang kasalukuyang nakalikas na sa mga evacuation center.
Samantala dagdag pa ng NDRRMC umakyat na sa 35,798 ang mga nasirang bahay kung saan 686 sa mga ito ay totally damaged at 35,112 naman ang partially damaged.
(Ella Nicole Banao | La Verdad Correspondent)