Pinoy na walang trabaho nitong Hunyo, nasa 9.8M — SWS

by Erika Endraca | September 10, 2019 (Tuesday) | 14191

MANILA, Philippines – Halos 10M Pilipino ang walang trabaho noong Hunyo, ayon sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS). Mas mataas ito ng isang puntos sa naitala noong Mayo.

Kabilang sa mga ito ay ang mga boluntaryong umalis sa trabaho; nawalan ng trabaho; at mga unang beses pa lamang maghahanap ng trabaho.

Mas mataas din ang bilang ng mga kababaihang walang trabaho maging sa mga may edad 18 hanggang 22 .

Pero, tiwala pa rin umano ang karamihan sa mga Pinoy na mas maraming trabaho ang naghihintay sa mga susunod na buwan.

Lumabas din sa kaparehong survey na 55% ng mga Pilipino ang nagsabing ‘Optimistic’ o positibo ang mga ito na dadami ang trabahong ma-aari nilang pasukan sa darating na isang taon habang 12% naman ang nagsabing kakaunti.

Nagresulta ito ng Net Optimists Score na Plus 43 na siyang pinakamataas na naitala ng SWS.

Isinagawa ang naturang survey mula June 22 hanggang 26 sa pamamagitan ng pakikipanayam sa 1,200 Pilipino na may edad 18 pataas sa buong bansa.

(Mai Bermudez | UNTV News)

Tags: ,