METRO MANILA – Nadismaya ang Malacañang ng malamang nahuhuli ang Pilipinas sa internet speed kumpara sa mga bansang halos kapantay nito sa populasyon at ekonomiya gaya ng Vietnam at Thailand.
Sa ulat ng National Telecommunications Commission (NTC), pang-34 ang Pilipinas sa 50 bansa sa Asia sa speedtest global index kaugnay ng mobile broadbad at pang-32 naman sa fixed broadband.
“Ang ninanais po ng ating mga kababayan ay hindi lang po na mag-improve; ninanais din po ng ating mga kababayan iyong ninanais ng globe at saka ng smart na maging world-class. at tapatan lang po tayo, at number 34 in Asia, I don’t think we are world class.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
ayon sa NTC, hindi lang sa mga pribadong kumpanya nakasalalay ang pagtatayo ng internet infrastructure kundi malaki rin ang ambag ng gobyerno sa ibang mga bansa upang mapainam pa ang serbisyo.
“Yun pong mga bansa na nasa taas natin, ipakikita ko po sa inyo, ang gumagastos po sa infrastructure ay ‘yung gobyerno so hindi po sila nama-mire in red tape sa LGUs,” ani NTC Commissioner Gamaliel Cordoba.
Gayunman, ayon sa NTC, malaki na ang nangyaring improvement sa service ng telecommunications companies sa bansa kumpara sa mga nakalipas na administrasyon.
Naniniwala rin ang opisyal na patungo na sa tamang direksyon ang pamahalaan sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa national broadband plan.
“Sa atin, magsisimula pa lang tayo gumastos ng P6 billion next year. so ang maganda po nga ay nakita na po ng ating pangulo na kailangan ding gumastos ng gobyerno kaya po naman ang kongreso at ang executive ay nagtulungan para mapagbigyan po ng budget ang dict for the national broadband project.”
samantala, inaasahan naman ng NTC na sa pagpasok sa merkado ng 3rd telco company sa bansa o ang DITO Telecommunity, magkakaroon ng mas maigting na kumpetisyon, serbisyo at bababa ang presyo ng serbisyo.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: DICT, internet speed, NTC