Pilipinas, pumapangalawa sa may pinakamataas na paglago ng ekonomiya sa Asia sa 3rd quarter ng 2017

by Radyo La Verdad | November 17, 2017 (Friday) | 7459

Nakapagtala ng 6.9% na pagtaas sa Gross Domestic Product ang Pilipinas sa ikatlong bahagi ng 2017. 

Mas mataas ito ng 0.2% kumpara sa 2nd quarter pero mas mababa naman ng 0.2% kumpara sa 3rd quarter noong 2016.

Sinusukat ng Gross Domestic Product o GDP ang kabuoang halaga ng mga produkto at serbisyo na nagagawa at naibibigay ng isang bansa.

Ayon kay Usec. Lisa Grace Bersales ng Philippine Statistics Authority o PSA, pinakamataas ang naiambag sa paglago ng ekonomiya ang services at industry. Nakatulong din ang agriculture sector subalit bumaba naman ng 3.8% ang performance nito kumpara sa 2nd quarter. Ito aniya ay dahil sa mababang produksyon ng isda at mais sa bansa.

Ayon naman kay Socioeconomic Secretary Ernesto Pernia, nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa. Sa ngayon aniya ay pangalawa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na may pinakamataas ang paglago sa ekonomiya. Nangunguna ang Vietnam, pangatlo ang China na sinundan naman ng Indonesia.

Ayon kay Pernia, maaari namang makahadlang sa pag-unlad ng ekonomiya sa huling bahagi ng taon ang mga bagyong posibleng manalasa sa bansa at ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,