Pilipinas, nakahandang tumulong sa Turkey at Syria matapos ang malakas na lindol

by Radyo La Verdad | February 7, 2023 (Tuesday) | 17610

METRO MANILA – Umakyat na sa 2,509 na indibidwal ang nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Turkey at Syria.

Sa nasabing bilang 1,541 dito ay mula sa Turkey. Ayon kay Turkey Vice President Fuat Oktay mayroong 9,733 katao ang sugatan.

Sa Syria naman ay nasa 968 ang nasawi kung saan 538 ay mula sa government-controlled areas habang  430 naman ay mula sa opposition-controlled areas.

Inaasahan ng mga otoridad na madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil patuloy ang ginagawa nilang paghahanap sa mga lugar kung saan gumuho ang maraming mga gusali.

Samantala sa isang tweet, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakahanda ang Pilipinas na magpaabot ang anomang tulong sa Turkey at Syria.

Sa ngayon ay patuloy na nakikipagugnayan ang Department of Foreign Affairs sa Filipino communities upang malaman kung may mga Pinoy na naapektuhan ng malakas na lindol sa 2 bansa.

Tags: , ,