Pilipinas, magpapatupad na rin ng travel restrictions sa mga biyahero galing Indonesia

by Erika Endraca | July 15, 2021 (Thursday) | 1698

METRO MANILA – Magpapatupad na rin ang Pilipinas ng travel restrictions sa mga manggagaling sa Indonesia epektibo July 16 -31, 2021.

Ang mga pasahero namang in-transit na mula Indonesia bago ang nasabing petsa ay pahihintulutan pa ring makapasok ng bansa.

Gayunman, kailangan pa rin nilang sumailalim sa 14-day facility-based quarantine at RT-PCR test.

“Ito pong hakbang na ito ay ginawa upang maiwasan ang pagpasok ng delta variant na siyang laganap na po ngayon sa bansang Indonesia. Humihingi po kami ng mga manggagaling sa Indonesia, kasama na po ang bansang indonesia na mayroon tayong travel ban” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Bukod dito, hindi pa rin maaaring makapasok sa bansa ang mga biyahero mula sa 7 bansa kabilang na ang India at United Arab Emirates hanggang sa katapusan ng Hulyo.

Ikukunsidera naman ng pamahalaan kung maaaring gawing buwanan ang pagpapalawig ng travel restrictions para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na naapektuhan ang pag-uwi sa Pilipinas.

Samantala, mayroon ng rekomendasyon ang IATF para sa ipatutupad na bagong round ng community quarantine status sa National Capital Region Plus areas at sa iba pang bahagi ng bansa simula bukas, July 16.

Binigyan ng pagkakataon ang mga lokal na pamahalaan na umapela sa kanilang quarantine classification

“Mayroon na po but the LGUs are given until today to appeal so I’m not at liberty to announce the final quarantine classification dahil kinakailangan the iatf will meet pa po to discuss the pending appeals.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Bagaman may ilang lungsod sa Metro Manila na tumaas ang bilang ng daily cases ng COVID-19, iginiit ng Malacanang na ibabatay ang desisyon ng community quarantine sa COVID-19 situation at health care utilization rate sa buong kapitolyo.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: