Pilipinas, isinailalim na sa State of Calamity dahil sa COVID-19

by Erika Endraca | March 18, 2020 (Wednesday) | 72490

METRO MANILA – Sa bisa ng Proclamation Number 929 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, isinailalim na sa State Of Calamity ang buong Pilipinas dahil sa Coronavirus Disease 2019.

Sa ilalim ng State of Calamity, pinahihintulutan ang National Government at Local Government Units na gamitin ang kinakailangang pondo katulad ng Quick Response Fund upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at maipagkaloob ang kinakailangang serbisyo sa mga apektadong mamamayan.

Tatagal ang State of Calamity sa bansa sa loob ng 6 na buwan liban na kung paiiksiin o palalawigin ng pamahalaan.

Inaasahan naman ang buong pag-ayuda at kooperasyon ng lahat ng ahensya ng pamahalaan at LGU at paggamit ng mga kinakailangang resources para labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Lahat naman ng law enforcement agencies sa tulong ng Armed Forces of the Philippines ay inaatasang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa mga apektadong lugar.

Bago isinailalim sa State of Calamity ang buong bansa, ipinatupad ng pamahalaan ang enhanced community quarantine sa Luzon region dahil sa patuloy na pagtaas ng coronavirus infection.

Samantala, inatasan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan gayundin ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng price control sa basic food commodities, emergency medicines at supplies sa pamamagitan ng memorandum circular number 77 sa gitna ng banta ng COVID-19.

Ibig sabihin mananatili ang price control na ipinatutupad Department Of Health (DOH) at Agriculture.

Ang DOH, DA at DTI ang magsasagawa ng patuloy na monitoring at review ng mga presyo ng basic commodities na kanilang nasasaklaw at gumawa ng panuntunan para matiyak ang price control.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,