Pilipinas, hindi makikidigma sa China dahil sa isyu ng West Philippine Sea – Justice Carpio

by Radyo La Verdad | June 24, 2016 (Friday) | 2758

Senior-Associate-Justice-Antonio-Carpio
Sinang-ayunan ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang posisyon na incoming President Rodrigo Duterte na hindi makikidigma ang Pilipinas sa China dahil lamang sa isyu ng West Philippine Sea.

Ayon kay Justice Carpio, na isa sa matiyagang nagpapaunawa ng panig ng Pilipinas sa international community, tiyak na matatalo ang bansa kung sasabak sa isang gyera laban sa China.

Hindi rin umano tayo dapat umasa sa tulong ng Estados Unidos laban sa China.

Ngunit ayon sa mahistrado, hindi naman ibig sabihin nito na hindi na natin kailangang palakasin ang ating sandatahang lakas.

Dapat lamang aniya na sapat ang lakas ng ating hukbong sandatahan upang magdalawang-isip ang China sa pagpasok sa ating teritoryo.

Sinabi pa nito na tiyak na gagamitin ng China ang kanilang hukbong sandatahan upang makuha ang resources ng West Philippine Sea.

Sa bagay na ito ay dapat aniyang gumamit tayo ng legal na hakbang upang mapasunod ang China sa magiging desisyon ng arbitral tribunal.

Ilang beses na ring iginiit ng China na walang jurisdiction ang tribunal sa kasong isinampa ng Pilipinas.

(Roderic Mendoza/UNTV Radio)

Tags: , ,