Pilipinas at Israel, inaasahang lalagda sa kasunduang reresolba sa mataas na placement fee ng mga OFW

by Radyo La Verdad | September 3, 2018 (Monday) | 4481

Tinatayang umaabot ng halos kalahating milyong piso o eight thousand USD ang halaga na kailangang bayaran ng mga aplikanteng overseas Filipino worker (OFW) na ibig maghanap-buhay sa Israel o ang tinatawag na placement fee.

Ang mataas na halaga ng placement fee ang karaingan ng halos lahat ng mga kababayang Pilipino na nakapanayam ng UNTV News Team sa Israel.

Mayroong tinatayang 28 libong OFW sa naturang bansa at 24 thousand sa kanila ay pawang mga caregiver.

Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Nathaniel Imperial, isang labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Israel ang kabilang sa mga kasunduang inaasahang pirmahan ng dalawang pamahalaan sa official visit sa bansa ni Pangulong Duterte.

Layon nitong ibaba ang halaga ng placement fee ng mga Pilipinong nais na magtrabaho dito.

Samantala, hindi lang mga Pilipino ang nagpahayag ng pagkasabik na makita si Pangulong Duterte.

Bagaman naging kontrobersyal sa kaniyang Hitler statement, curious din sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa kanilang bansa ang mga Israeli.

 

( Roselle Agustin / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,