Phl passport holders, bibigyang pagkakataong makapasok sa Taiwan kahit walang visa sa loob ng 1 taon

by Radyo La Verdad | April 20, 2017 (Thursday) | 2356


Sisimulan na ng Taiwan Ministry of Foreign Affairs o MOFA ang isang taong trial-period na nagbibigay ng pagkakataon sa lahat ng mga Pilipino na makapasok sa taiwan ng walang visa.

Epektibo ang bagong polisiya simula June 1, 2017 hanggang July 31, 2018 kung saan maaaring manatili sa bansa sa loob ng tatlumpung araw.

Lubos na ikinatuwa ng ating mga kababayang residente at nagtatatrabaho sa Taiwan ang pagbabagong ito.

Samantala, pinahaba rin ang 30-day visa exemption sa mga mamamayan ng Thailand at Brunei habang pagkakalooban naman ng multiple visa ang mga mamamayan ng anim pang bansa – ang Cambodia, India, Indonesia, Laos, Myanmar at Vietnam.

Ang bagong polisiya ay bahagi ng pagpapalakas ng turismo ng Taiwan alinsunod sa inilunsad na “new southbound policy” ni Pangulong Tsai Ying Wen.

Magugunita na noong Setyembre 2016 ay niluwagan rin ng Taiwan ang polisiya sa pagbibigay ng electronic visa sa mga Pilipino at iba pang ASEAN citizens kung saan tumaas ng halos limampung porsiyento ang bilang ng mga turista sa Taiwan.

(Amiel Pascual)

Tags: , ,