METRO MANILA – Nagbaba ng halaga ng kanilang COVID-19 benefit package para sa COVID-19 testing ang Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH). Ito ay matapos silipin ng Senado dahil sa tila overpriced umano ang rates ng PHILHEALTH para sa COVID-19 testing.
Ayon sa pahayag ng PHILHEALTH nagpasya silang i-adjust ang mga benefit package matapos ang patuloy na konsultasyon sa mga stakeholders at infectious disease experts, at dahil na rin sa availablity ng mga test kits sa merkado at pagdami ng qualified facilities para sa COVID-19 testing.
Sa bagong rate, P3,409 ang sasagutin ng PHILHEALTH kung ang serbisyo para testing ay procured at provided lahat ng testing laboratory. P2,077 naman kung ang test kit na ginamit ng testing center ay galing sa donasyon at P901,00 kung ang test kit ay galing sa donasyon, at ang gastos sa pagpapatakbo ng laboratoryo at RT-PCR machine na ginamit sa pag-test ay kasama sa budget ng pasilidad.
Ang dating PHILHEALTH COVID-19 testing rates ay P8,150.00, P5,450.00 at P2,710.00.
Saklaw din aniya ng COVID-19 testing package ang clinical assessment, specimen collection, specimen transport at maging ng PPEs at gagamiting test kits.
Ilalabas aniya ng PHILHEALTH ang panibagong benefit package at ang guidelines nito sa lalong madaling panahon.
(Aiko Miguel)
Tags: Covid-19, COVID-19 TESTING, Philhealth