METRO MANILA – Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Department of Health (DOH) para maresolba ang mataas na kaso ng mga may mental health issue lalo na sa mga bata.
Sa pagdiig ng House Committee on the Welfare of Children, sinabi ni PhilHealth Director Doctor Albert Domingo na mayroong outpatient mental health specialist care package para sa mga nangangailangan ng mental health support.
Sa ilalim ng programang ito, makikipag-ugnayan ang state health insurer sa mga referral center for mental health.
Samantala, naalarma din ang komite sa kakulangan ng mga guidance counselors sa mga paaralan na tutulong sa mga mag-aaral na nakakaranas ng depression, anxiety, at iba pang mental health issue.
Nanawagan ang PhilHealth na mabigyan pa ng karagdagang pondo ang mental health services para sa mga kabataan.
Sa kasalukuyang PhilHealth policy, nasa P7,800 ang treatment cost na binibigay ng ahensya sa mga nakakaranas ng dementia, bipolar disorder, schizophrenia at anxiety disorder.
Ayon kay Domingo kulang pa aniya ang nasabing halaga.
(Aileen Cerrudo | UNTV News)
Tags: Philhealth