METRO MANILA – Inaasahang magtutuloy-tuloy ang pagkakaloob ng healthcare services partikular na sa Coronavirus hotspots sa bansa.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bilisan ang pagbabayad sa mga valid claims ng mga ospital.
Sa gitna ito ng mga reklamo ng mga pribadong ospital na di pa rin nababayaran ng state health insurer ang reimbursements nito kaya napipilitan ang mga ospital na magbawas ng bed capacity upang maibsan ang kanilang mga gastusin.
Bunsod nito, inaprubahan ng PhilHealth ang application ng debit-credit payment method upang pabilisin ang proseso ng settlement sa accounts payable ng mga health care facilities na tukoy ng IATF at NTF sa Metro Manila, Batangas, Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan, at Pampanga.
Partikular na ang mga health care facilities na walang on record interim reimbursement mechanism fund balance, nagkakaloob ng serbisyo para sa COVID-19 patients at may COVID-19 testing package, at hindi suspendido ang PhilHealth accreditation.
Kabilang ang isyung ito sa mga napag-usapan sa ginawang online meeting ng ilang cabinet members kahapon gayundin ang usapin sa hazard pay ng mga healthcare workers.
Samantala, muling magpupulong ang IATF sa Sabado upang pag-usapan ang quarantine classification sa NCR plus.
Inaasahan ding sa araw na iyon, iaanunsyo ang bagong community quarantine sa greater Manila area dahil sa April 11 ay matatapos na ang ipinatutupad na extended Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa gitna ng COVID-19 surge.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Pangulong Duterte, Philhealth