PhilHealth, iminungkahing magkaroon ng online portal para sa status ng claims ng mga ospital

by Radyo La Verdad | May 30, 2018 (Wednesday) | 3901

Aminado ang PhilHealth na posibleng nagkaroon ng pagkukulang sa accounting at sistema ng pagre-release ng claims kaya maraming mga ospital pa ang hindi nababayaran sa serbisyong naipaglingkod na sa PhilHealth members.

Nguni’t ayon sa PhilHealth hindi lahat ng nasa listahan ng Private Hospitals Association of the Phillipines Incorporated (PHAPI) ay validated.

Sa pagpupulong ng PhilHealth at PHAPI noong Biyernes, inisa-isa ang mga umano’y unpaid claims na umaabot sa 700 million pesos at napag-alaman na hindi tugma ang kanilang records.

Kaya naman minabuti ng PhilHealth na imungkahi sa PHAPI na na bumuo ng online portal para ma-resolba ang isyu.

Posibleng sa Hunyo ay pormal na itong maitatag sa lahat ng PhilHealth accredited hospitals sa bansa.

Sang-ayon ayon naman si DOH Sec. Francisco Duque III sa panukalang ito.

Bahagi din aniya ito ng health information data analytics system na nais paunlarin ng doh sa kanilang partner agencies.

Nguni’t ayon sa PHAPI, kailangan pang pag-aralan ito ng mabuti dahil maraming ospital sa bansa ang walang internet connection.

Titiyagain umano ng PHAPI na makipagpulong sa PhilHealth linggo-linggo para ayusin at mabayaran ang lahat ng unpaid health benefits ng PhilHealth at hindi muna magde-deklara ng hospital holiday.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,