METRO MANILA – Hindi matitinag ang Pilipinas sa paglaban sa krimen kahit na kumalas ang bansa sa Rome statute.
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior sa kaniyang recorded video message sa ginanap na second session ng Summit for Democracy na idinaos ng Estados Unidos.
Ayon kay PBBM patuloy na gumagana ang criminal justice system ng bansa at may batas na nagpaparusa kabilang na sa mga umano’y sangkot sa mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos patuloy na inaayos ng pamahalaan ang sistema ng hustisya sa pamamagitan ng iba’t ibang institusyon at mekanismo upang maprotektahan ang buhay, kalayaan at seguridad ng mga Pilipino.
Magpapatuloy din aniyang active player ang Pilipinas sa pakikipagdayalogo sa ibang mga bansa ukol sa mga isyu sa demokrasya, karapatang pantao at mabuting pamamahala.
Samantala muli namang iginiit ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang pakialam sa pagnanais ng ICC na imbestigahan ang kanyang kampanya laban sa droga.
Sinabi nito na handa siyang mabulok sa kulungan bunsod ng isinulong na prinsipyo kontra droga.
Tags: crime, PH, Rome Statute