PH consulate, nanawagan sa Hongkong gov’t na gumawa ng aksyon laban sa mga nangunguha ng passport ng domestic helpers

by Radyo La Verdad | July 27, 2018 (Friday) | 3862

Patuloy ang pagdami ng kaso at nagiging raket na ng mga illegal money lender ang pagkuha ng passport ng mga nangungutang na domestic helper sa Hongkong.

Kaya naman nanawagan na ang Philippine consulate sa Hongkong government na imbestigahan at gumawa na ng aksyon laban sa mga taong nangunguha ng passport ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Gamit ang kanilang mga passport bilang kolateral, umuutang ang mga OFW sa mga moneylender na may napakataas na patubo.

Matatandaang isang lalake ang inaresto sa Hongkong matapos umanong pilitin ang higit walong daang Indonesian at Filipino helpers na i-surrender ang kanilang passport kapalit ng salaping inuutang.

Ayon sa imbestigasyon ay nagpapataw ito ng 125% interest rate higit pa sa doble ng legal limit ng interes na pinahihintulutan sa Hongkong.

Ayon kay Philippine Consul General Antonio Morales, nakipag-ugnayan na ito sa Indonesian consul general upang manawagan sa Hongkong authorities dahil maraming Indonesian Domestic Helpers din ang nabibiktima ng naturang modus operandi.

Sa kasalukuyan, aabot na sa 200 libo ang mga OFW sa Hongkong at karamihan sa mga ito nagtatrabaho bilang mga domestic helper.

Marami sa ating mga kababayan ang napipilitang mangutang dahil sa pagkakarga ng illegal fees ng mga employment agencies. Ang iba naman ay dahil sa pangangailangang makapagpadala ng pera sa Pilipinas.

Batay sa Republic Act No. 8239 o mas kilala sa tawag na Philippine Passport Act of 1996, kung walang kasong kriminal ang passport ng isang Pilipino ay hindi pwedeng ipagkait, kanselahin o paghigpitan liban na kung mayroon itong mabigat na dahilan na naaayon sa naturang batas.

 

( Ferdie Petalio / UNTV Correspondent )

Tags: , ,