Pfizer, nagde-develop na ng COVID-19 vaccines para sa neonatal population – FDA

by Erika Endraca | September 23, 2021 (Thursday) | 3091

METRO MANILA – Kasalukuyang nasa clinical trial na ang Pfizer COVID-19 vaccine na para sa mga sanggol na 6 na buwang gulang pataas

Fourth quarter ng 2021 inaasahang ilalabas ng Pfizer ang kanilang clinical trial data at saka ito mag- aaply ng Emergency Use Authorization (EUA) upang magamit ang bakuna.

Ayon sa Philippine Food and Drug Administration, magandang development ito.

“Oo kung magiging maganda ang resulta. Ito talaga yung normal na strategy at saka talagang pagtetest ng bakuna –una sa adults then age groups na pababa na pababa. Pag nakita naman natin na maganda yung resulta nito, then basta po yung safety profile ay nandyan at yung efficacy ay maganda then it will have a good chance also of being used in our (country?)” ani FDA Director General Usec. Eric Domingo.

Bukod dito nasa clinical trial na rin ang Pfizer COVID-19 vaccines para naman sa mga 5-11 taong gulang.

Ayon pa sa FDA, sakaling magkaroon nito sa bansa, lalawak pa ang sakop na maaabot ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa populasyon ng Pilipinas.

Dalawa ang umiiral na EUA ng Pfizer sa bansa.

Isa ay para sa mga adult population na 18 taong gulang pataas at EUA para sa COVID-19 vaccines sa mga nasa menor de edad 12- 17.

Samantala, muling tiniyak ng FDA at vaccine experts na anomang brand ng COVID-19 vaccines ay may proteksyong naibibigay kontra sa malalang epekto ng COVID-19, pagkaka- ospital ng isang indibidwal at pagkasawi kahit lagpas anim na buwan na mula nang matanggap ang bakuna.

Kaya sa ngayon, gaya ng ipinananawagan ng World Health Organization sa mga world leader.

Hindi pa kailangan madaliin ang pagbibigay ng booster shots sa mga Pilipino.

“Nakakatuwa kasi nakikita po natin nung inapprove po natin ang mga vaccines na ito under Emergency Use Authorization, ay ang follow up po ay mga 2 to 3 months pa lamang. But now, six to 9 months after we are seeing that the vaccines are still working and protecting people at lahat po ng bakuna ito, hindi lang po Janssen. Nakakatuwa ito and it gives us a lot more confidence going into the future vaccinations.” ani FDA Director General Usec. Eric Domingo.

Ayon sa FDA kung sakali man na may sapat nang supply para sa booster dosing ay ipa- prayoridad ang mga healthcare workers at mga may sakit o kabilang sa A3 sector.

Nasa 137 million doses ng iba’t ibang COVID-19 vaccine brands ang inaasahang darating sa bansa sa mga susunod na buawan batay sa ulat ng National Task Force against COVID-19.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,