Petisyon upang ipawalang-bisa ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC, walang basehan – Malacañang

by Radyo La Verdad | May 17, 2018 (Thursday) | 3507

Tiwala ang Malakanyang na madi-dismiss lamang ang petisyon ng anim na senador upang mapawalang-bisa ang pagkalas ng bansa sa International Criminal Court (ICC).

Kahapon, naghain ng petition for certiorari sa Korte Suprema sina Senador Kiko Pangilinan, Franklin Drilon, Bam Aquino, Leila De Lima, Risa Hontiveros at Antonio Trillanes.

Katwiran nila labag sa batas ang withdrawal ng Pilipinas sa ICC nitong nakaraang Marso.

Pero ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, nasa kapangyarihan ni Pangulong Duterte na iutos ito.

Giit ng mga senador, walang bisa ang pagkalas ng bansa sa ICC dahil wala itong pagsang-ayon ng two-thirds ng Senado.

Bilang isang tratado, itinuturing na anila na isang batas ang Rome Statute kayat walang karapatan ang sangay ng ehekutibo na basta na lamang itong ipawalang-bisa.

Pero ayon kay Roque, karanasan niya mismo na hindi nakikialam ang korte sa ganitong mga kaso dahil kinikilala ng korte ang karapatan ng pangulo pagdating sa ugnayang panlabas.

Ilang beses na ring sinabi ni Pangulong Duterte na mas makabubuti para sa bansa na kumalas sa icc dahil hindi naman ito patas at nagagamit lamang sa panggigipit ang isyu ng human rights.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,