Petisyon sa paggamit ng resibo sa halalan, didinggin ng Korte Suprema sa oral arguments ngayong Huwebes

by Radyo La Verdad | March 15, 2016 (Tuesday) | 1466

supreme court
Nagpatawag ng oral arguments ang Korte Suprema upang dinggin ang mga isyu kaugnay ng paggamit ng resibo sa darating na halalan sa Mayo.

Itinakda ang pagdinig ngayong Huwebes, Marso 17, ganap na alas dyes ng umaga.

Wala pang pasabi ang mataas na hukuman kung kasama na dito ang hiling ng Commission on Elections na bigyan sila ng pagkakataon na maipakita sa mga mahistrado kung paano gagana ang mga makinang gagamitin sa halalan.

Nagpapasalamat naman ang COMELEC sa pagkakataong ibinigay ng Korte Suprema na maipaliwanag ang kanilang panig kung bakit sa tingin nila ay hindi praktikal na ipatupad pa ang pag-iimprenta ng resibo sa darating na halalan.

Bukod dito ayon kay Bautista, marami pang kailangang isaayos sa mismong resibo na ibibigay nila sa mga boboto.

Una nang kinatigan ng Korte Suprema nitong Martes ang pag-iisyu ng resibo sa mga botante sa darating na halalan sa Mayo.

Ngunit naghain ng motion for reconsideration ang COMELEC upang himukin ang mataas na hukuman na baliktarin ang kanilang desisyon.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspodent)

Tags: , , , ,