Personal data at hindi impormasyon sa assets, liabilities at networth ang inilingid sa SALN ng Duterte cabinet members – Malakanyang

by Radyo La Verdad | September 25, 2017 (Monday) | 1683

Right to privacy, ito ang dahilan ng redaction o pagtatago ng ilang impormasyon sa inilabas na kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN sa publiko ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, bagaman public document ang SALN, kinakailangang ilingid o itago ang mga maseselang impormasyon upang matiyak ang privacy at seguridad ng mga opisyal at kanilang pamilya.

Ginawa ng palasyo ang pahayag matapos na kwestyunin ng Philippine Center for Investigative Journalism sa inilathala nitong artikulo ang umano’y matinding paglilingid ng mahahalagang impormasyon sa mga SALN na isinumite ng mga former at present cabinet members as of December 31, 2016.

Batay sa ulat ng PCIJ, sa 29 SALNs na siniyasat nito, 167 impormasyon ang redacted o itinago, 28 SALNs din ang may nakapatong na itim na marka sa halaga ng personal properties, 24 ang nakalingid ang ekstong lokasyon ng mga ari-arian habang 23 SALNs ang nakalingid ang halaga ng real properties.

Pinakamarami umanong redactions sa SALN nina Presidential Communications Secretary Martin Andanar, Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Health Secretary Paulyn Jean Ubial, Agriculture Secretary Emmanuel Piñol at Public Works and Highways Secretary Mark Villar.

Ayon naman kay undersecretary Abella, ang inilingid sa publiko ay mga personal na impormasyon tulad ng family members, home address at mga katulad na impormasyon.

Dapat din aniyang isaalang-alang na di pa naaamyendahan ang kasalukuyang SLM form upang maka-comply sa data privacy alinsunod sa global standards.

Kasabay nito ay nanawagan ang Presidential Spokesperson sa Kongreso na ipasa na ang panukalang batas sa Freedom of Information dahil sa limitasyon sa executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa FOI.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,